Wicked: The Untold Story of the Witches of Oz

By Marie Gabrielle Bernabe

              Alam natin lahat ang nakakamanghang na kwento ng pagkakaibigan at katapangan ni Dorothy sa nobela ni  L. Frank Baum na "The Wonderful Wizard of Oz," pero mayroon din kayang kwento ang kanyang kalaban na ang Wicked Witch of the West?  Ang sagot diyan ay Oo. Siya si Elphaba, ang isang babaeng matalino, may malasakit sa kapwa, may mabuting puso, . . . at may nakakaibang anyo at kapangyarihan. Kung talagang walang pinanganak na masama sa mundo, ano kaya ang nangyari at naging ganoon si Elphaba ng makita natin siya sa "The Wizard of Oz"? Ang kwento niya ay hinatid sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang musikal na dula--Wicked: The Untold Story of the Witches of Oz--na ang basehan ng kwento ay ang nobela na Wicked: The Life and Times of the Wicked Witch of the West ni Gregory Maguire. Ang tagpuan ng kwentong ito ay ang mga nangyari sa Oz, matagal pa bago dumating si Dorothy.Nagsimula ang showing ng Wicked sa Pilipinas noong ika-22 ng Enero hanggang ika-9 ng Marso, taong kasalukuyan sa Main Theater ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Ang unang parte ng dula ay nagsimula sa isang eksena kung saan nagseselebrasyon ang mga taga-Oz at si Glinda the Good dahil ang kanilang pinaka kinagagalitan na Witch of the West ay patay na. (maaalala natin sa orihinal na nobela na si Dorothy ay ang nakpatay sa Witch of the West sa pamamagitan ng pagbuhos ng tubig sa kanya.) Isa sa mga Ozians ay biglang nagsalita na may narinig siya na naging magkaibigan daw si Glinda at ang Wicked Witch. Nagulat ang mga tauhan ng sabihin ni Glinda na totoo iyon, naging magkaibigan sila. Kinwento ni Glinda kung paano pinanganak si Elphaba. Ng ang ama ni Elphaba, ang mayor ng Munchkin Land ay umalis ng isang gabi, nagkaroon ng relasyon ang kanyang ina sa isang misteriosong lalaki na nagbibigay ng  berdeng inumin. Pinanganak si Elphaba na berde ang kanyang balat sa buong katawan na naging galit ng kanyang ama. Hindi din nalaman ng ama niya na nagkaroon ng relasyon ang kanyang asawa sa iba. Sumunod, sinalaysay ni Glinda ang nangyari sa kanilang pagkakaibigan.
Unang nagkakilala sila sa Chiz University, na ang dahilan ni Elphaba ay para alagaan ang kanyang nakababatang kapatid na may kapansanan sa paa na si Nessarose at para rin mag-aral. Si Galinda (ang tunay na pangalan ni Glinda bago niya ito pinalitan) ay pumasok ng maganda at nakapalibot ang kanyang mga tagamangha at kaibigan, dito masasabi natin na isa siya sa mga "popular girls" Sa isang pagkakamali ng kanilang Headmistress na si Madame Morrible, kinangailangan maghati sa kwarto sina Galinda at Elphaba na talagang nakabuo ng galit sa isa't isa kahit sa unang nilang pagkikita. Nakita ni M. Morrible ang nakakaibang kakayahan ni Elphaba sa madyik at agad din siyang pinasok sa Sorcery para isang araw, makilala niya ang Wizard. Maraming mga intriga sa Chiz sa mga mag-aaral at mga hayop na guro nila, pero sa gitna ng lahat ng iyon, nakaranas pa rin ng kasiyahan si Galinda at Elphaba sa kanilang pagkakaibigan sa paggawa ng mabuti ng isa sa kanila. Kasama na din ang pagdating ng lalaking magdadala ng pag-ibig at away sa pagkakaibigan ng dalawa, na si Fiyero, isang Winkie Prince.
 Pero ng dumating naman si Madame Morrible, dinala niya ang balita kay Elphaba na gusto na siyang makita ng Wizard sa Emerald City. Isinama ni Elphaba si Glinda sa Emerald City kung saan nagpakasaya sila ng isang araw. Pero sa tagpuan nila ng Wizard, natutunan ni Elphaba na ginagamit lang siya ng Wizard dahil siya mismo ay ang walang kapangyarihan ng tulad ng sa kanya; masama lang ang intensyon ng Wizard sa kanyang abilidad. Itinakas niya ang Grimmerie (isang ancient spell book) at nagpaalam kay Glinda dahil ngayon, alam na niya ang kanyang misyon: ang iligtas ang mga hayop at kalabanan ang kasamaan ng Wizard of Oz.

               Ng paglipas ng panahon, may mga kwentong kumalat sa Oz na ang isang napakasamang babae na lumilipad at sinasaktan ang mga hayop na napakalakasa ang kanyang kapangyarihan--si Elphaba na ngayon ay ang Wicked Witch of the West. Sina Madame Morrible at Glinda ay naging mga opisyal ng gobyerno habang si Fiyero ay ang namumuno sa paghahanap kay Elphaba.  Samantala, sa Munchkin Land kung saan si Nessarose na ang mayor at si Boq ay ang kanyang PA, bumalik si Elphaba doon upang makahingi ng tulong sa kanyang ama at para na rin magtago sa mga humahabol sa kanya. Binalita ni Boq na nalalabag na ang mga karapatan ng mga Munchkins dahil kay Nessarose na pilit na ipinagbabawal na umalis ang mga Munchkins sa kanilang bayan para hindi rin umalis si Boq sa piling ni Nessa. Dahil sa galit, ginamit ni Nessa ang Grimmerie at di sinasadya tanggalin ang puso ni Boq. Upang ligtasin siya, ginawa na lang ni Elphaba na Tin Man si Boq, ngunit pag gising ni Boq, hinakala niya na parusa ni Elphaba ang paggawa sa sa kanya. Bumalik naman si Elphaba sa Emerald City upang palayain ang mga hayop na ikinulong ng Wizard ngunit nahuli siya at itinawag ang mga gwardia na pinamumunuan ni Fiyero. Nalaman ni Fiyero ang lahat ng ginawang kasamaan din ng Wizard kaya pinalaya din niya si Elphaba. Dahil sa lungkot ni Glinda na iniwan na siya ni Fiyero, may nasabbi siya sa Wizard at kay Madame Morrible para mahuli si Elphaba. Masayang nagmamahalan si Elphaba at Fiyero, ngunit bago pa sila makatakas sa kastilio ni Fiyero ay may pangitain si Elphaba na may isang lumilipad na bahay at nasa panganib si Nessa. Huli na ang lahat ng dumating si Elphaba, at siya ay nahuli na kung hindi dahil sa pagdating ni Fiyero para iligtas siya kapalit ng kanyang kalayaan. Sa kastilio ni Fiyero umuwi si Elphaba at sa kanyang galit at alala, pinipilit niya iligtas si Fiyero gamit ang kanyang kapangyarihan, ngunit sa tingin niya ay hindi niya siya nailigtas. Dahil sa sunod-sunod na masamang trato ng mundo sa kanya kahit na ginagawa niya ang lahat para sa kabutihan, naisip na lang niya wag na lang gumawa ng mabuti kung hindi rin naman niya kaya iligtas ang kanyang mga minamahal. Sumunod na eksena, makita ang isang mob na lubos na galit sa Witch at tuluyan na patayin ito. Ang sumunod ay ang nangyari na sa huling mga eksena sa Wizard of Oz kung saan pilit na pinatatanggal ni Elphaba ang sapatos ni Nessa na suot suot ni Dorothy. Dumating si Glinda at sila ay nagusap muli, at ang mga sumunod na desisyon ni Elphaba ay ang nagwakas sa kwento ng Wicked.
Sa pangkahalaatan, maganda ang musika, malakas ang dating, magaling ang mga gumanap; emosyonal ang kanilang “projection” at maayos ang operasyon ng backstage ng Wicked at ang mga tauhan ng CCP. Ang mga sayaw ay nakakaiba at makulay ang mga galaw. Ang mga gumanap: Jemma Rix bilang Elphaba, Suzie Mathers bilang Glinda, Steve Danielsen bilang Fiyero, Jay Laga'aia bilang Wizard, Maggie Kirkpatrick bilang Madame Morrible, Emily Cascarino bilang Nessarose, Edward Grey bilang Boq at Glen Hogstrom bilang Dr Dillamond. Ito ay sa direksyon ni Joe Mantello, mga liriko ni Stephen Schwartz, design nila Susan Hilferty at Eugene Lee; sa produksyon ni Marc Platt. Sa paghahambing sa libro, maganda ang adaptation nito na makikita na pinagtibayan ng lahat ng klase ng sinig sa entablado. Ang Wicked ay nakatanggap ng 50 na gantimpala, kasama na doon ang mga Tony awards at Grammys.
Pinagpalaan ako talaga ng Diyos na makita ang Wicked noong ika-15 ng Pebrero, ang pinakahihintay na araw para sa akin. Dahil isa akong panatiko sa mga dulang musikal, natuwa ako sa balita na dadating ang Wicked sa Pilipinas at talagang pinaghahandaan ko ito. Pagdating sa CCP, parang ginawang mundo ng Oz ang unang at ikalawang palapag na may mga stall ng subenir, mga karatula tungkol sa mga tauhan, tungkol sa Oz at pati na rin ang tungkol sa mga mahahalagang kagamitan sa dula. Ng magsimula ang dula hindi ko nakilala ang dating entablado ng CCP main theatre, nagbago ang anyo nito para sa Wicked; para talagang napunta ka sa mundo nito. Pasabog ang unang musical number na sinalubong kami ng paggalaw bigla ng "dragon clock" at ang paglabas ng "chorus" habang kumakanta ng "No One Mourns the Wicked." Sa isang iglip, nawala na ako sa aking upuan at napunta sa mundo ng iba--dahil lang sa isang eksenang nabighani ang aking kaluluwa. Ang musika at ang galing ng mga aktor ay talagang makikita na pang-internasyonal ang kanilang pagganap, kanta at sayaw. Nakakamangha at nakakaiba ang lahat ng aking nakita at narining dito. Ito ay nakakaiba talaga ito sa ibang dulang musikal dahil tungkol ito sa panig ng isang antagonista at ang  kanyang kwento. Puno ng komedya ang mga eksena dito, na walang tigil sa tawa ang mga tao, ngunit sa dulo naman, hindi maiiwasan sumikip ang dibdib sa lungkot. Isang natutunan ko sa kwentong ito, ay kahit na hindi ka maiintindihan ng lahat, hindi dapat ito dahilan upang tumigil sa paggagawa ng mabuti. Ang kailangan lang natin upang hindi malunod sa kahit anong bisyo ay ang pag-asa na mayroon magmamahal sa atin. Masaya, malungkot, nakakatawa, nakakaaliw, lahat na! Di ko mapagsisihan na nakita ko ito dahil sa kada piso, sulit ang lahat ng naranasan, tinawanan at iniyakan ko sa ganda ng Wicked.